Filipino Mass
at Meguro

Misyon
Upang ang mga Katolikong Pilipino sa Tokyo, Japan ay matulungan na maging tapat sa kanilang Kristiyanong pananampalataya sa pamamagitan ng pagsimba tuwing Sabado kung di nila kakayaning makapagdiwang ng Misa sa Linggo.

Bisyon
Na ang mga Katolikong Pilipino ay makapag-ambag sa pagpapalago ng Kristiyanismo sa bansang Hapon sa pamamagitan ng kanilang pagsasa-buhay ng tapat sa mga itinuturo ng pananampalatayang Katoliko.
Bakit mayroon Webpage ang Misang Pilipino?
Napag-isipan gawan ng Webpage ang Misang Pilipino para sa mga sumunod ng kadahilanan:
-
Bilang isang maliit na ambag para sa paggunita ng ika-500 taon selebrasyon ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansang Pilipinas sa darating na taon 2021.
-
Para maipalaganap sa mga Pilipino sa Tokyo na merong silang pwedeng mapagsimbahan tuwing Sabado kung sakaling hindi nila kakayaning magsimba sa araw ng Linggo sa kadahilanan ng kanilang mga trabaho o iba pang mga dahilan.
-
Para din malaman ng mga bumibisitang Pilipino sa Tokyo na nais na magsimba sa wikang Pilipino sa bayang ito.
-
Bilang pagtugon sa pangagailanan ng mga Pilipino sa Tokyo na magsimba sa sariling wika dahilan di nila maunawaan ng husto ang wikang banyaga.

Ang Kasaysayan ng Misang Pilipino sa Simbahan sa Meguro


Unang ipinagdiwang ang Misang Pilipino sa Simbahan sa Meguro sa Tokyo noong ika-4 ng Pebrero 2017. Mga iilan lamang mga Pinoy ang dumating dahil hindi naman ito gaanong naipa-alam pa sa mga Pilipino sa Tokyo maging sa mga nagsisimba mismo sa simbahan ng San Anselmo sa Meguro. Maliban sa mga miyembro ng El Shaddai para makipagdiwang sa Misang nakalaan sa namatay nilang kasamahan noong Sabadong iyon, kaunti lamang ang mga nagsimba.
Isinilang ang Misang Pilipino sa isang kahilingan na ipinarating ng ilang Pilipino sa kura paroko noong Disyembre 2016. Si Padre Marco Martinez ang kura paroko na nakaupo noong panahong iyon. Siya ay unang nilapitan ng iilang Pinoy na nagmunkahi na magkaroon sana ng isang Misa sa wikang Pilipino sa parokya ng San Anselmo.
Si Padre Marco Martinez, isang banyagang pari mula sa Mexico ang pumalit sa kay Fr. Leo Schumacher pagkatapos niyang manilbihan sa San Anselmo ng sampung taon bilang kura paroko. Si Padre Marco naman ay nanilbihan bilang kura paroko ng Chibadera bago siyang inihalal na paroko ng San Anselmo. Dati niyang kaklase ang obispo ng Tokyo na si Arsobispo Takeo Okada sa seminaryo kung kaya siya ay napaki-usapan para manilbihan sa parokya ng San Anselmo, bagamat siya ay mahigit nang setenta anyos.
Nang matanggap ni Padre Marco and kahilingan ng mga Pilipino, nilapitan niya kaagad si Fr. Edwin Corros, isang misyonerong Scalabriniano na Pilipino na nakatira rin sa parokya ng San Anselmo at hinikayat nitong tugunan ang kahilingan ng mga Pilipino. Walang dahilan para tanggihan ni Fr. Edwin ang kahilingan nila subalit una niya munang hiningi ang katibayan ng kanilang kahilingan sa isang sulat na may pahintulot at suporta ng parish pastoral council. Kaya ang mga Pilipino ay kaagad na gumawa ng isang petisyon para magkaroon ng Misa sa wikang Pilipino o Tagalog. Ayon sa kanilang petition, nais nilang magkaroon ng Misang Pilipino sa kadahilanan na hindi sila makakahabol sa Misang ingles tuwing alas dose ng tanghali sa parokyo ng Meguro sa kadahilanan na marami sa kanila ang may trabaho pa tuwing Linggo. Nasambit din nila ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Pilipino para lubos nilang mauunawaan ang mga Salita ng Diyos at homiliya. Ang sulat o petition na nabanggit ay nilagdaan ng mahigit isang daang katao at nai-presenta sa Parish Pastoral Council ng Meguro para pag-usapan at aprubahan.
Sa pamumuno ni Padre Marco, agad itong sinupurtahan ng Parish Pastoral Council ng San Anselmo at inimbitahan kaagad si Fr. Edwin para pangunahan ang Misang Pilipino sa parokya. Sa una niyang Misa nanawagan kaagad siya sa mga nag-sisimba at humingi ng tulong para manilbihan sa iba’t-ibang ministeryo ng liturhiya. Pagkatapos ng Misa, nakalikom sa ofertoryo ng 45,471 yen bilang koleksiyon sa Misa. Sa ikalawang Sabado ng Pebrero, nadagdagan ang bilang ng mga nagsimba at mabilis din ang pagtugon sa panawagan ng pari sa mga nais manilbihan sa liturhiya. Sa nasabing ikalawang Sabado, nagkaroon kaagad ng instant choir at mga taga-pagbasa ng Salita ng Diyos. Ang Sambayanang Misang Pilipino sa Meguro ay mabilis na isinilang na walang gaanong pormal na paghahanda. Isang spontaneous na paglilingkod ang naging tugon ng mga tao at hanggang sa ngayon sila pa rin ang mga nakikitang masipag na naninilbihan sa Misang Pilipino.
Pagkalipas ng ilang buwan ang mahigit kumulang na kwarenta katao na sumali sa unang Misang Pilipino ay kaagad domoble sa kanilang numero. Nadagdagan ang miyembro ng mga lectors at commentators, sa music ministry at maging sa mga nag-a-usher. Hindi rin naman nawawalan ng tagapag-lingkod sa altar at palaging naroroon ang special minister of the Eucharist. Meron na ring tumutulong sa paghahanda ng projector.
Pagkatapos pa muli ng ilang buwan, nagsimulang magyaya ang koro sa isang kapihan pagkatapos ng Misa. Bagamat gabi na, marami ang tumugon sa paanyaya ng koro na pinangunganahan ng mga Cantero siblings. Pagkalipas ng ilang buwan, iminungkahi ni Fr. Edwin na huwag gagawin ang kapihan ng madalas sa isang buwan, bagkos ito ay gagawin na lamang ng isang beses sa isang buwan na maagap namang tinanggap ng mga ministry members.
Pagkalipas ng dalawang taon, nagsimulang magturo ng katesismo si Fr. Edwin sa mga interesado sa pagpapalalim ng kanilang pananampaltaya. Tuwing ikalawang Sabado ng buwan pagkatapos ng Misa, agad siyang nagtuturo ng katesismo sa mga parokyano upang matulungan silang mapalalim ang kanilang kaalaman sa pananampalatayang Kristiyano at sa buhay pananampalataya.
Ang dating Sabado na kapihan ay naging regular na ring okasyon para magkatipon-tipon at ipagdiriwang ang mga kaarawan at anibersaryo ng mga parokyano. Ito ay nagaganap tuwing ika-apat na Sabado ng buwan. Sila ay nag-a-ambag-ambag ng mapagsaluhan para sa mga nagdiriwang ng kanilang mga kaarawan at anibersaryo. Masaya silang nagsasalo-salo sa mga pagkaing kanya-kanya nilang inihanda.
Sa ngayon, hindi bumababa sa isang daan ka tao ang nagsisimba tuwing Sabado sa parokya ng San Anselmo. Malamang dito lamang sa parokya ng Meguro nagaganap ang Misang Pilipino sa buong bayan ng Japan. Salamat sa kagandahang loob ng mga volunteers at patuloy ang Misa sa Meguro para sa mga Pilipino sa Japan at sa mga nagbibisita sa Tokyo. Hangad ng Simbahan na matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga Pilipino sa Tokyo, kung kaya nagbuksan ang Misa sa wikang Pilipino.
Noong ika-3 ng Pebrero 2018, nagdiwang ang mga Pilipino ng kanilang unang anibersaryo ng Misang Pilipino. Noong ika-2 ng Pebrero 2019, ipinagdiwang naman nila ang ika-dalawang anibersaryo ng kanilang Misang Pilipino at noong ika-1 ng Pebrero 2020, ipinagdiwang naman nila ang kanilang ika-tatlong anibersaryo ng pagkakatatag ng Misang Pilipino para sa mga Pilipino sa Tokyo.